Nagkaroon ng pagkakataon ang mga kooperatiba at samahan ng KATARUNGAN cooperatives sa Silangang Visayas na direktang maipahayag sa Department of Agriculture Regional Field Office 8 ang kanilang mga pangangailangan at mga hamong kinahaharap sa sektor ng agrikultura sa isinagawang konsultatibong pulong noong Agosto 3, 2026 sa Office of the Regional Executive Director (ORED) Conference Room.
Sa nasabing pagpupulong, malayang naibahagi ng mga kooperatiba ang kanilang mga pangangailangan, kabilang ang pag-access sa mga programang pautang, kahilingan para sa mga makinaryang pang-agrikultura, mga suliraning kinahaharap sa kanilang mga taniman ng saging, ang panukalang Solar-Powered Irrigation System (SPIS), at mga kagamitan para sa pagpoproseso ng kanilang mga produkto.
Bilang tugon, ipinaliwanag ng mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng DA ang mga umiiral na programa, mga kinakailangang dokumento, at mga hakbang na dapat isagawa upang maging kwalipikado sa iba’t ibang uri ng suporta. Nagbahagi rin ang mga eksperto ng mga rekomendasyon sa tamang pamamahala ng mga sakit sa pananim at iba pang teknolohiyang makatutulong sa pagpapataas ng produktibidad.
Hinikayat din ng DA ang mga samahan na palakasin pa ang kanilang organisasyon sa pamamagitan ng pagsasanay sa Cluster Development Plan at paglahok sa mga oportunidad sa ilalim ng Sagip Saka Act, upang mas mapalawak ang kanilang akses sa merkado at sa mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng konsultatibong pulong, muling pinagtibay ng DA RFO 8 ang kahalagahan ng pakikinig sa boses ng mga magsasaka at kooperatiba. Sa pagbibigay sa kanila ng platapormang maiparating ang kanilang mga pangangailangan, mas natitiyak na ang mga interbensyon at serbisyong ipagkakaloob ng pamahalaan ay naaayon sa kanilang aktuwal na kalagayan at makatutulong sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan.










